Inaabangan na ng maraming Filipino basketball fans kung mapipili sa 2022 NBA Draft si 7-foot-3 center na si Kai Sotto.
Isasagawa kasi ngayong araw ang NBA Draft sa Barclays Center sa Brooklyn, New York.
Maraming mga kapwa basketball players at national athletes sa bansa ang nagpapaabot ng ‘good luck’ wish kay Sotto.
Bagamat hindi nakasama ang pangalan ni Sotto sa inilabas na mock drafts mula sa iba’t-ibang mga mamamahayag ay hindi nawawalan ng pag-asa ang 20-anyos na si Sotto.
Mula kasi noong 2019 ng magtungo na sa US si Sotto para sa full-time training ay nakapaglaro na rin ito sa NBL bilang paghahanda sa NBA.
Nakasama rin ito sa iba’t-ibang workouts ng mga NBA teams.
Ipinagmalaki ni Sotto kung bakit nararapat na siya ay piliin ay dahil siya ay skilled seven footer na kayang maipasok ang bola mula sa labas at magaling din itong magpasa bukod sa pagkakaroon niya ng mataas na basketball IQ at blocker.
Sakaling mapili aniya ito sa anumang NBA Team ay handa niyang ibigay ang lahat ng kaniyang makakaya.
Naglaro ito ng isang season sa Australian Basketball League sa koponang Adelaide kung saan mayroon itong average na 7.5 points, 4.5 rebounds at 50 percent shooting mula sa field sa loob ng 23 laro.
Sakaling mapili itinuturing siya na bilang kauna-unahang full-blooded Filipino na maglalaro sa NBA.