Nabawasan na ang bilang ng mga barko ng China na nakakalat sa West Philippine Sea (WPS) sa mga nakalipas na buwan, ayon kay Defense Secretary Delfin Lorenzana.
Ayon kay Lorenzana, “stable” ngayon ang sitwasyon sa WPS dahil “mangilan-ngilan” na lamang ang natititra sa mga barko ng China sa lugar.
Ang ginagawa aniya nila sa ngayon sa WPS ay mina-manage lamang ang sitwasyon kasi bukod sa Pilipinas, marami ring mga bansa ang mayroong claims sa tensyonadong karagatan.
Aminado si Lorenzana na matatagalan bago magkaroon ng kaayusan sa sigalot sa WPS.
Gayunman, sa ngayon, patuloy pa rin ang pagpatrolya ng Philippine Navy, Philippine Coast Guard, at ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa mga karagatang sakop ng Pilipinas.
Sa kabila nito ay hindi naman aniya nagkakaroon ng engkuwentro sa mga barko ng ibang mga bansa ang mga barko ng Pilipinas.
Magugunita na sa mga nakalipas na buwan ay naging kontrobersyal ang presensya ng maraming mga barko ng China sa WPS.










