CENTRAL MINDANAO – Obligadong isapubliko ng mga punong barangay ang pangalan ng mga nakatanggap ng social amelioration program (SAP) sa siyudad ng Kidapawan.
Basehan nito ang memorandum na ipinalabas ni Department of the Interior and Local Government Secretary Eduardo Año noong April 3, 2020 na naglalayong maging patas ang pagbibigay para sa mga kwalipikadong benepisyaryo.
Layun nito na mabigyang tulong pinansyal ang mga indibidwal na pasok sa panuntunan ng SAP na sumasailalim sa Enhanced Community Quarantine kontra COVID-19 sa kasalukuyan.
Una nang ipinamahagi ng City Social Welfare and Development Office ang SAP sa mga barangay ng lungsod simula noong April 17, 2020 at nagpapatuloy pa sa kasalukuyan.
Sa ilalim ng kautusan ng kalihim, dapat na ipagbigay alam ng mga punong narangay sa lahat kung sino-sino aong mga nakatanggap ng P5,000 ayuda mula sa pamahalaan, ito ay ayon pa kay City Local Government Operations Officer Julia Judith Geveso.
Dapat ipaskil din ng mga punong barangay sa itinakdang mga lugar ang listahan ng mga nakatanggap ng tulong pinansyal.
Una nang nagpalabas ng guidelines sa kung sino-sinong mga residente ng barangay ang dapat na makatanggap ng tulong sa pamamagitan ng DSWD Memo Circular no. 09 series of 2020 at DILG Memo Circular no.2020-065 sa pagpapatupad ng Social Amelioration Program.
Maaring maparusahan ang sinumang kapitan na hindi sumunod sa kautusan ng DILG, pagtitiyak pa ni Geveso.