Pinawi ng DoH ang pangamba ng marami kaugnay ng 1.5 million AstraZeneca vaccine na nakatakdang mag-expire sa katapusan ng buwan ng Hunyo.
Sinabi ni Department of Health Undersecretary Myrna Cabotaje na 85% ng 1.5 milyong AstraZeneca vaccines ang nagamit na nila at inaasahan na mauubos ang lahat ng ito bago ang expiration date nito.
Nabatid na nailaan ang karamihan nito para sa unang dose ng mga priority groups na sumalang sa ‘vaccination program’ ng pamahalaan kamakailan.
Nasa 500,000 naman na AstraZeneca vaccine na mag-e-expire sa katapusan ng Hulyo ang nakatabi at gagamitin para sa second dose ng mga babalik sa naturang buwan.
Nanawagan naman ang opisyal sa mga lokal na pamahalaan na magpatupad ng ‘mobile vaccination’ para sila mismo ang magtungo sa mga bahay ng babakunahan lalo ngayong panahon ng tag-ulan.
Hiling din nito ang mas mahabang oras ng pagbabakuna para mas marami ang mapagsilbihan at agad na maabot ang herd immunity.