Ikinagalak ng mga mangingisda sa West Philippine Sea, partikular na ng mga nakatira sa Kalayaan Island Group ang panibagong delivery ng mga fishing vessel para sa kanilang komunidad.
Una rito, inihatid ng Philippine Coast Guard at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources ang ilang 20-foot fiber-reinforced plastic boat, dalawang unit ng marine engine, underwater fittings, 20 PVC black pipes, ropes at nylon.
Ginamit ng grupo ang BRP Francisco Dagohoy sa pagdadala ng mga gamit at iba pang pangangailangan ng mga mamamayan sa isla.
Matapos ang delivery, nakipagpulong din ang mga tauhan ng BRP Francisco Dagohoy sa mga tauhan ng PCG, Philippine Navy at Philippine Marine Corps na nakatalaga sa Likas Island, Parola Island at Pag-asa Island para malaman ang kanilang mga pangangailangan at matiyak ang kanilang kapakanan.
Noong nakaraang buwan, tinulungan ng PCG ang BFAR sa pagdadala ng halos P5 milyong halaga ng kagamitan at iba pa para sa mga programang nakalaan sa mga mangingisda sa Pag-asa Island.
Ayon sa BFAR, ito ay para bigyang higit na kakayahan ang mga residente at matulungan silang mapakinabangan ang kanilang huli sa West Philippine Sea.