-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Napauwi na ng lokal na pamahalaan ng Midsayap, Cotabato ang mga Badjao na palaboy-laboy at gumagala sa bayan.

Ayon kay Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO-Midsayap) head John Karlo Ballentes, abot sa 40 indibidwal mula sa 15 Badjao families ang personal na inihatid ng kanilang tanggapan sa Brgy. Bagua Mother, Cotabato City.

Ayon kay Ballentes, ang naging aksyon ng LGU-Midsayap ay bilang tugon sa mga reklamo ng ilang mga mamamayan sa pamamalagi ng naturang mga indibidwal sa bayan lalo pa at nagpapatuloy ang banta dulot ng coronavirus disease o COVID-19 at ang pag-apela ng sangguniang bayan ng Midsayap na hanapan ng paraan ang pagpapauwi sa mga ito.

Dagdag pa ni Ballentes, ito na ang ikatlong beses na inihatid mismo ng LGU ang mga Badja pabalik sa kanilang lugar mula noong taong 2018.

Ani Ballentes, isa sa mga dahilan kung bakit bumabalik at babalik ang mga Badjao sa bayan ay dahil sa dami ng mamamayan at malagong komersiyo rito lalo na kapag buwan ng Nobyembre hanggang Enero kung saan dagsa ang maraming tao para sa taunang aktibidad ng Sinugba Festival, Holiday Seasons at Halad Festival.

Ito ay dulot din ng kawalan ng kita ng mga Badjao sa kanilang lugar kung saan noon ay kumikita ang mga ito sa pagsisid ng mga baryang inihahagis sa mga barkong dumadaong sa Zamboanga Port.

Sa ngayon, hindi naman masiguro ni Ballentes na hindi na babalik pa ang mga Badjao sa Midsayap dahil wala namang batas na nagbabawal sa kanilang pamamalagi sa kung saan at ang tanging magagawa lamang ay hilingin nito ang kooperasyon sa kanilang pag-uwi.

Kasabay ng paghatid sa mga Badjao sa Cotabato City ay nakatanggap din ang bawat isa ng foodpacks na naglalaman ng 10kilo ng bigas, grocery items at hygiene kits mula sa LGU-Midsayap.