-- Advertisements --
sona PBBM BBM marcos 1

Nakahanda ang mga awtoridad sa posibleng epekto ng bagyong Egay sakaling lalo pang lumakas ito sa mismong araw ng ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa araw ng Lunes, Hulyo 24.

Inaasahan kasi base sa forecast ng DOST na magiging super typhoon ang ikalimang bagyo ngayong taon sa araw ng Lunes habang nasa silangang bahagi ng karagatan ng Pilipinas sa Extreme Northern Luzon.

Ayon kay House Secretary-General Reginald Velasco, nakahanda sila sa posibilidad ng malalakas na pag-ulan sa Lunes.

Mayroon aniyang sapat na cover sakaling lumakas pa ang ulan sa may south wing at north wing building ng Batasan Complex kung saan inaasahang papasok ang mga panauhin para sa SONA.

Isasara naman aniya ang main entrance ng gusali.

Sa parte naman ng Philippine National Police (PNP), sinabi ni PNP Spokesperson Jean Fajardo na mayroong contingency plan sakaling bumiyahe ang Pangulo patungo sa Batasang Pambansa sa pamamagitan ng land dahil sa masamang lagay ng panahon.

Pagdating naman sa seguridad ng Pangulo, nakaalalay ang PNP sa Presidential Security Group (PSG) na siyang pangunahing nagbibigay ng seguridad sa Pangulo sakaling magkaroon ng diversion sa biyahe ng chief executive.