Hinimok ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang mga residente sa mga lugar na apektado ng Tropical Storm Paeng na magsagawa ng mga kinakailangang pag-iingat laban sa weather disturbance.
Partikular na pinaalalahanan ni Marcos ang mga nagtungo sa mga probinsya bago ang long weekend bilang pagdiriwang ng Undas 2022.
Nauna nang idineklara ni Marcos ang Oktubre 31, Lunes, bilang isang special non-working day.
Dagdag pa ng Pangulo na naka-standby ang mga ahensya ng gobyerno para sa rescue operations.
Kabilang dito ang Armed Forces of the Philippines, Bureau of Fire Protection, Philippine Coast Guard, Philippine National Police, at Metro Manila Development Authority.
Sinabi niya na ang Department of Social Welfare Development ay may pre-positioned food at non-food items sa mga high-risk areas.
Ang Office of Civil Defense ay nagtalaga ng mga asset nito para sa transportasyon at clearing operations.
Nagpaabot naman ito ng panalangin sa mga nasawi sa Aklan, Capiz, at BARMM flash floods, at sa mga patuloy na lubhang naapektuhan ng kalamidad na ito.