-- Advertisements --

Nagpahayag ng kahandaan ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na magsumite ng panukala para sa bagong modernization program.

Tugon ito ng militar kasunod ng nalalapit na pagtatapos ng kasalukuyang programa sa 2027.

Ayon kay AFP Deputy Chief of Staff LtGen. Rommel Roldan, ongoing ang isinasagawang pag review, na naaayon sa nagbabagong security landscape.

Layon nito matukoy ang mga bagong banta at hamon sa pambansang seguridad.

Sinabi ni LtGen. Roldan, isasagawa ang rebisyon ng mga programa at pagtukoy sa mga bagong kakayahan na kailangang paunlarin ng Sandatahang Lakas upang patuloy na matiyak ang kaligtasan at seguridad ng mamamayang Pilipino.

Inihayag ni Roldan na batid ng AFP ang nalalapit na pagtatapos ng umiiral na modernization law.

Aniya, aktibo silang nagbibigay ng technical advice sa Department of National Defense (DND) at sa mga sangay ng ehekutibo at lehislatura para sa susunod na programa.

Dagdag pa ng AFP General na may sapat na pondo para sa modernization ngayong 2026, kabilang ang P40 bilyon na inilaang budget at karagdagang P50 bilyon na nasa unprogrammed funds, na nagpapakita ng pagkilos ng Kongreso sa usapin ng pambansang seguridad.

Samantala,tiniyak ng Malakanyang na gagawin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kung ano ang ikabubuti para sa Armed Forces of the Philippines (AFP) kasabay ng pagbalangkas ng panibagong AFP Modernization Law, na papalit sa kasalukuyang batas na magtatapos sa 2027.

Ayon kay Palace Press Officer Usec. Claire Castro suportado ng Pangulo ang anumang hakbang para sa pagpapalakas po ng sandatahang lakas ng Pilipinas.