Mahigpit na babantayan ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) ang mga anomaliya sa pagpapatupad ng subsidy program para sa mga low-income households na apektado ng COVID-19 crisis.

Pinaalalahanan ni PACC Commissioner Greco Belgica ang mga kapwa kawani ng pamahalaaan na dapat nakakarating sa mga benepisyaryo ang mga subsidiyang inihanda ng pamahalaan sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Sa ilalim ng Bayanihan to Heal as One Act, ang mga low-income households sa National Capital Region ay inaasahang tatanggap ng P8,000 na cash subsidy para sa dalawang buwan.

Ang 16 iba pang rehiyon naman sa bansa ay makakatanggap ng P5,000 at P6,500 base sa batas na naggagawad ng karagdagang kapangyarihan kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Samantala, hinimok naman ni Belgica ang publiko na sumangguni sa PACC kung may reklamo hinggil sa implementasyon ng P200-billion emergency subsidy program.