-- Advertisements --

Mahigpit na babantayan ng mga kongresistang bumubuo sa National Peoples Coaliton (NPC) sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang mga itinutulak na panukalang amiyenda sa Saligang Batas.

Pagtitiyak ito nang pinuno ng NPC sa Kamara na si Rizal 1st District Rep. Michael John Duavit sa mga senador na may agam-agam sa Charter change (Cha-cha).

Ayon kay Duavit, titiyakin nilang hindi magagalaw ang political provisions ng 1987 Constitution, gaya ng ipinapangako ng House Resolution of Both Houses No. 2 ni Speaker Lord Allan Velasco na naglalayong amiyendahan ang aniya’y restrictive economic provisions lamang ng Saligang Batas.

Sakali man aniyang may magpanukala ng amiyenda sa political provisions, sinabi ni Duavit na kaagad nila itong tatanggalin.

Dagdag pa nito, anumang kahahantungan ng mga itinutulak na panukalang amiyenda sa Saligang Batas ay kailangan makakuha ng three-fourths vote.

Sa ngayon, maririnig naman aniya mula sa mga political leaders na anumang political amendmens na makakapasok ay kanilang haharangin ito.

Kasabay nito ay tiniyak din ni Duavit sa mga senador ang kanilang kalayaan na mag-convene nang hiwalay para talakayin naman ang proposal na amiyendahan ang economic provisions ng 34-taong gulang nang Charter.

Hindi aniya nila pupuwersahin ang Senado sa anumang magiging desisyon ng mga miyembro nito sa kung anuman ang sa tingin nila ay nararapat para sa bansa.

Sa ngayon, nagpapatuloy ang pagdinig ng House committee on constitutional amendements sa RBH 2, na naglalayong bigyan nang flexibility ang Kongreso na i-liberalize ang mga restictive economic provisions ng Charter, na nakikita namang magbubukas pa lalo sa ekonomiya ng Pilipinas sa mas marami pang foreign investments.