-- Advertisements --

Humigit-kumulang 1,000 pamilya ang pansamantalang na-isolate sa ibang lugar sa Barangay Santa Fe, San Marcelino, Zambales, matapos masira ang isang tulay dahil sa ilang linggong malalakas na pag-ulan.

Kabilang sa mga apektado ang mga katutubong residente ng lugar.

Dahil sa tuloy-tuloy na pag-ulan dulot ng Habagat o Southwest Monsoon, bumuhos ang lahar mula sa Mount Pinatubo matapos masira ang isang dike.

Tinabunan ng lahar at rumaragasang baha ang ilang bahagi ng komunidad.

Ayon sa lokal na pamahalaan, 10 bahay ang tuluyang nawasak, habang 22 iba pa ang bahagyang napinsala.

Pero dahil unti-unting tumataas ang lahar, nagkaroon umano ng sapat na oras ang mga residente para lumikas.

Wala namang naiulat na nasawi o nasugatan sa insidente.

Samantala, tuluyang nasira noong Agosto 9 ang isang tulay na ginagamit ng mga residente para makapasok at makalabas sa lugar.

Dahil dito, ilang pamilya at katutubong residente ang nananatiling stranded.

Naghatid na ang lokal na pamahalaan ng tatlong araw na suplay ng pagkain para sa mga apektadong residente.

Kung magtutuloy-tuloy ang pagbuti ng panahon sa susunod na dalawa hanggang tatlong araw, plano ng San Marcelino LGU na magtayo muna ng pansamantalang tulay na gawa sa kahoy para sa mga pedestrian at isang temporary steel bridge para sa mga tricycle.