CEBU CITY – Puspusan ngayon ang paghahanda ng Lapu-Lapu City government at ng National Quincentennial Committee ang ilang mga historical events kasabay ng ika-500 anibersaryo ng “Kadaugan sa Mactan” ngayong linggo.
Isa rito ay ang pagbubukas ng Philippine Quincentennial Museum ngayong araw na matatagpuan sa Museo Sugbo sa lungsod ng Cebu.
Bida sa nasabing museo ang mga exhibits na nagpapakita ng makulay na kasaysayan ng bansa bago pa lumusob ang mga Espanyol.
Mahigpit na seguridad ang ipatutupad sa Mactan Shrine biang venue ng espesyal na re-enacment sa naging laban nina Datu Lapu-Lapu at Ferdinand Magellan na naganap noong 1521.
Bukod sa mga local officials, inasahan ang pagdalo ng ilang mga mahahalagang opisyal gaya ni Executive Secretary Salvador Medialdea bilang kinatawan ng Malakanyang.
Kaya nagpahayag naman ang isang local history advocate na si Atty. Clarence Paul Oaminal na huwag umatras sa gitna ng mga pagsubok upang makamit ang inaasam na tagumpay gaya ng natamasa ng mga Pilipino mula noong nanalo sa laban si Datu Lapu-Lapu.
Ayon kay Oaminal na kailangang pahalagahan ng bawat Pilipino ang mga mahahalagang bahagi ng kasaysayan bilang alay na rin sa mga bayaning nagbuwis ng kanilang buhay para sa kalayaan ng bayan.