Nilinaw ng Department of Foreign Affairs (DFA) na ang mga aktibidad ng PH sa loob ng exclusive economic zone (EEZ) nito ay hindi subject sa pag-apruba ng anumang bansa.
Ito ang naging tugon ni DFA spokesperson Ma. Teresita Daza nang matanong kung may karapatan ba ang China na diktahan ang Pilipinas sa resupply mission nito sa barkong pandigma ng bansa.
Ginawa din ng opisyal ang naturang pahayag matapos igiit ni Chinese Ambassador Huang Xilian na nagdala umano ang Pilipinas ng building materials sa BRP Sierra Madre sa Ayungin shoal.
Ngunit iginiit ng DFA official na lehitimo ang rotation and resupply (RoRe) missions sa BRP Sierra Madre at ang routine activities nito ay nasa exclusive economic zone ng bansa.
Matatandaan na nitong Martes, matagumpay na nakumpleto ang follow-up mission para sa resupply sa BRP Sierra Madre sa kabila pa ng umano’y muling pagtatangka ng mga barko ng China na harangin at i-harass ang operasyon ng tropa ng PH.
Una na ring inihayag ni Huang na walang problema sa pagpapadala ng humanitarian supplies sa Ayungin shoal dahil mayroon namang special arrangement hinggil dito subalit nagkaroon lamang aniya ng problema matapos na magdala umano ng large scale building materials ang panig ng PH.