Nanindigan ang Malacañang na si Senate Office of the Sergeant-at-Arms (OSAA) acting chief at retiradong Police Major General Mao Aplasca ang unang nagpaputok umano ng “warning shots” laban sa mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI).
Sa pulong balitaan, sinabi ni Palace Press Officer Usec. Claire Castro na walang ginawang pag-atake ang mga ahente ng NBI noon gabi ng Miyerkules.
Ayon kay Castro, nakita umano ng OSAA ang presensya ng NBI agents sa GSIS area na katabi ng Blue Guard at agad itong naghanda.
Dagdag pani Castro, nang dumating ang OSAA sa tulay na nag-uugnay sa GSIS premises, kinausap umano nito ang isang opisyal ng NBI agent na nakaupo kasama ang Blue Guard. Dito na umano nagpakilala ang NBI personnel.
Gayunpaman, ayon sa Palasyo, agad na nagpaputok ng warning shot si Aplasca, na sinundan din ng pagpapaputok ng warning shot ng isang NBI agent.
Paliwanag pa ni Castro, na itinalaga ang NBI agents sa paligid ng GSIS bandang alas-6 ng gabi matapos hilingin ni GSIS President and General Manager Wick Veloso para ma-secure ang gusali.
Ang bahagi ng GSIS property ay inuupahan ng Senado, at ang tulay na nagkokonekta sa dalawang tanggapan ay mayroong pinto mula sa bahagi ng Senado at ang susi nito ay nasa OSAA.















