Suspindido ngayon ang mga nakatakdang aktibidad Commission on Elections (Comelec) para sa pagsasagawa ng Barangay at Sangguniang Kabataan elections (BSKE) para sa taong ito.
Kasunod ito ng pagpapasa ng Republic Act No. 11935 na nag-uutos sa pagpapaliban ng BSKE elections sa huling Lunes ng Oktubre 2023 mula sa dating Disyembre 5, 2022 na una nang itinakdang araw para sa nasabing hahalan.
Batay sa statement na inilabas ng komisyon, kabilang ang filing ng mga certificate of candidacy (COCs) na dapat sanang isasagawa mula Oktubre 22 hanggang 29 sa mga nasuspinding election activities nito.
Habang hindi rin muna papayagan ang iba pang mga aktibidad tulad ng election period, gun ban period, campaign period, at ang last day ng filing ng Statement of Contribution and Expenditures (SOCEs).
Paliwanag ng Comelec, dahil sa kasalukuyang umiiral na batas ay kakailanganin nilang i-adjust ang kanilang Calendar of Activities sa loob ng humigit-kumulang dalawang buwan bago ang Oktubre 30, 2023 na bagong petsa naman ng nasabing lokal na halalan.
Kung maaalala, isang oral argument ang isinagawa kamakailan lang sa Korte Suprema upang dinggin ang petisyon ng election lawyer na si Atty. Romulo Macalintal na nagsasabing laban sa konstitusyon ang Republic Act 11935 na nagpapaliban sa pagsasagawa ng barangay at Sangguniang Kabataan elections sa bansa.