Nakahanay na ang mga aktibidad bukas para ika-161 taon ng kaarawan ni Dr. Jose Rizal.
Ayon kay Eufemio Agbayani, Historic Sites and Development Officer II ng National Historical Commission of the Philippines, may magkakaibang event sa key locations na may malaking bahagi sa buhay ni Rizal.
Kabilang na ang Calamba, Laguna, kung saan siya ipinanganak, Luneta na dating tinatawag na Bagong Bayan, kung saan siya pinatay, Dapitan sa Zamboanga, kung saan siya ipinatapon.
Nariyan din ang bayan ng Daet, Camarines Norte, kung saan matatagpuan ang 1st Rizal monument.
Samantala, hinimok naman ni Agbayani ang mga magulang na simulan sa bahay ang pagbibigay ng interes sa kanilang mga anak para bigyang pansin ang ating sariling kasaysayan at buhay ng mga bayani.
Giit ng opisyal, hindi sapat na iasa natin sa mga paaralan ang paghubog sa pagiging mapagmahal ng mga bata sa ating kasaysayan.
Matatandaang ilang estudyante ang tinanong ukol sa mga ilang bahagi ng ating kasaysayan, ngunit karamihan sa mga naging tugon nila ay malayo sa katotohanan.