-- Advertisements --

BOMBO DAGUPAN – Mariing ibinabala ng isang abogado na dalhin agad ang isang bata o dalagitang biktima ng panggagahasa sa Department of Social Welfare and Development lalo na kung malapit na kamag-anak ang suspek.

Ito ang ibinahagi ni Atty. Joey Tamayo, ang Co Anchor ng programang Dura Lex Sed Lex.

Dahilan nito, kung malapit na kamag-anak kasi ang suspek lalo pa kung ang mismong tatay, malaki ang posibilidad na pagtatakpan lamang ito ng nanay na siyang mas magpapahirap lamang sa sitwasyon ng biktima at lalong magpapalayo sa pagkamit ng hustisya.

Sa sitwasyong ito, ang naturang ahensya ang tatayo upang ipagtanggol ang karapatan ng biktima.

Subalit kung kamag-anak naman o grandparents ng biktima ang kaniyang kasama sa bahay, kinakailangan aniya nilang kumuha ng protection order upang magkaroon sila ng otoridad upang pigilan ang suspek na makalapit sa biktima.

Kung naikulong naman ang suspek, hindi na aniya kailangang humingi ng protection order ng guardian dahil wala namang kaukulang piyansa ang kasong rape.

Pagbabahagi pa nito na para naman sa kasong gaya ng sexual assault kung saan hindi naman aniya naipasok ang ari ng lalaki sa babae, hindi makukulong ng walang piyansa kaya dito aniya napapasok ang protection order kung saan ang isang guardian o Department of Social Welfare and Development ang maninindigan para sa biktima.

Maaari aniya silang humingi ng utos mula sa hukuman na huwag palapitin ang akusado sa bata upang hindi siya nito guluhin at hindi na maulit ang pang-aabuso.

Pagbibigay-diin pa ni Atty. Tamayo na ang Women’s Desk sa mga Police Stations ay ginawang espesyal na lamesa para sa mga kababaihang biktima at dito ihahain ang reklamo at huwag na aniya itong idadaan sa barangay.

Dagdag pa ni Atty. Tamayo na kung parehong menor de edad ang suspek at ang biktima, mayroon aniyang ibang paraan ng paghahatol dito at ito ang tinatawag na Statutory rape.

Kung nasa edad 14 pababa ang babae at ang edad ng lalaki ay mas bata ng tatlong taon, hindi ito makakasuhan ng rape bagamat mayroon paring kaukulang kaso na kaniyang kakaharapin.

Samantala kung mas matanda naman ng tatlong taon ang suspek sa biktima, pasok pa rin ang kaso bilang rape.