Animnapu’t siyam na ang mga deboto na lumahok sa iba’t ibang aktibidad kaugnay ng Pista ng Itim na Nazareno sa Maynila ang nakatanggap ng tulong medikal mula sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Ayon kay Hanna Zaballero, deputy head ng Metropolitan Manila Development Authority Road Emergency Group, ito daw ay isa sa kanilang naitala na pinakamababang record kumpara sa mga cases noong nakaraang mga Traslacion.
Sa 70 na kabuuang bilang na naitala mula Enero 6 hanggang alas-6 ng umaga ng Enero 9, sinabi ni Zaballero na anim ang mga kaso ng trauma o mga gustong ipasuri ang kanilang mga kasalukuyang sugat; 11 ay mga medikal na kaso o ang mga nakaranas ng pagkahilo o sakit ng ulo, at 52 ang nais lamang na ipasuri ang kanilang presyon ng dugo.
Sinabi ni Zaballero na hindi kasama sa bilang ang mga humingi ng tulong medikal sa Philippine Red Cross, medics mula sa Philippine National Police at Manila City Health Department.
Kung matatandaan, noong Linggo, humigit-kumulang 38,000 deboto ang nagtipon sa Quirino Grandstand sa Rizal Park para sa “Pagpupugay” o pagtingin at paghawak sa imahe ng Itim na Nazareno, isa lamang sa mga aktibidad na may kaugnayan sa taunang kapistahan.
Una na rito, bago ang madaling araw ng Linggo, tinatayang 88,000 deboto ang dumalo sa kauna-unahang Walk of Faith, na idinaos kapalit ng tradisyunal na Traslacion na muling ipinagpaliban ngayong taon dahil sa COVID-19 pandemic.