-- Advertisements --
image 364

Tiniyak ni Regional Peace and Order Council (RPOC) Chairman at San Juan City Mayor Francis Zamora ang mahigpit na ugnayan ng mga local chief executives para matiyak ang maayos at mapayapang BSKE 2023.

Ayon kay Mayor Zamora, ayaw ng mga alkalde na magkaroon ng anumang problema lalo na sa usapin ng peace and order, mula sa pagsisimula ng kampanya hanggang sa huling araw ng Election period.

Sa pinakahuling Regional Peace and Order Council meeting aniya, napagkasunduan na ng mga ito na maglatag ng mga checkpoints, higpitan ang pagpapatupad ng gun ban, at malawakang liqour ban ilang araw bago ang halalan.

Agad na rin aniyang isinagawa ang lahat ng ito, matapos ang pag-apruba ng lahat ng local chief executives.

Maliban dito, hiniling na rin aniya ng mga alkalde sa Meralco na siguraduhing hindi magkakaroon ng power interruption sa panahon ng halalan.

Malaking problema kasi aniya ang pagkakaroon ng mga power interruption dahil sa nagdudulot ang mga ito ng kaba at kaguluhan sa panig ng mga supporters, kandidato, at maging sa mga mismong botante.