Nanindigan ang Metro Manila mayors sa kanilang desisyon na ipagpatuloy ang ang pagpapatupad ng no-contact apprehension program (NCAP) sa kabila ng nga inihaing petisyon sa Supreme Court (SC) na humihirit na ipahinto ang pagpapatupad ng programa.
Sa joint statement na inilabas ngayong araw, sinabi ng mga alkalde ng Metro Manila na nagpapatupad ng NCAP na tuloy-tuloy daw ang kanilang programa at patuloy din ang pagpapaganda ng kanilang infrastructure at road conditions para sa mas ligtas na environment para sa kanilang constituents.
Kabilang sa mga nakapirma sa naturang statement sina Valenzuela City Mayor Wes Gatchalian, ParaƱaque City Mayor Eric Olivarez, Quezon City Mayor Joy Belmonte, Manila Mayor Maria Sheila Lacuna at San Juan City Mayor Francis Zamora.
Nanindigan din ang mga ito na ni minsan daw ay hindi nila na-disregard ang due process para sa mga motoristang nahuhuli dahil ang lahat naman ng mga local governments ay mayroong traffic adjudication boards.
Dito puwedeng ireklamo ng mga motorista ang kanilang mga violations.
Kung maalala, nagpasaklolo na sa Supreme Court ang ilang transport groups para hilinging maglabas ang Korte Suprema ng temporary restraining order (TRO) laban sa mga local ordinances na may kaugnayan sa NCAP sa limang lungsod sa National Capital Region (NCR).
Ayon kay SC spokesperson Brian Hosaka, kasama sa mga inireklamo ang City of Manila, Quezon City, Valenzuela City, ParaƱaque City, Muntinlupa City at Land Transportation Office (LTO).
Sa panig naman ng Metro Manila Development Authority (MMDA), dapat daw ay maipatupad ito hindi lang sa Metro Manila kundi sa buong bansa.
Sinabi ni MMDA Task Force Special Operations chief Bong Nebrija na naging disiplinado ang mga motorista dahil sa NCAP.