
Naghahanda ang Metro Manila mayors sa ilang scenario na maaaring ideklara sa Metro Manila para sa quarantine status ng rehiyon.
Ayon kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) General Manager Jojo Garcia, isa sa mungkahi ng mga alkalde ay para sa pagpapalawig ng modified enhanced community quarantine (MECQ) o kaya ay pagkakaroon ng mas mahigpit na general community quarantine (GCQ).
Laman ng rekomendasyon na mabawasan ang tao sa commercial establishments, ngunit pagpapairal ng public transportation.
Gayunman, ipinauubaya umano ng Metro Manila mayors ang pagpapasya sa Inter-Agency Task Force (IATF).
Sa pananaw ng mga ekonomista, mahalagang maibalik ang mga negosyo dahil sa pangambang bumulusok ang antas ng ekonomiya, habang importante rin ang paghihigpit dahil sa maraming nadagdag na kaso ng COVID-19.
Sa panayam naman ng Bombo Radyo sinabi ni dating National Task Force special adviser Dr. Tony Leachon, sinabi nito na dapat i-extend pa ng pamahalaan sa panibagong 15-araw ang modified enhanced community quarantine (MECQ) sa Metro Manila at ilang kalapit na lalawigan.
Ayon sa naturang public health expert, na marami pang kailangan plantsahin ang gobyerno para mapabagal ang bumilis muling transmission ng sakit.

Kahit patuloy umano ang pag-uulat ng Department of Health (DOH) sa maraming recoveries, ay hindi nito maikakaila ang patuloy na pagtaas ng COVID-19 cases. Pati na ang nadadagdagan pang bilang ng mga namamatay dahil sa pandemic na sakit.
“Yun ang problema din. Ang total death natin 2,600 pero ang tingin ko underreported yon. May mga kababayan tayo bago pa dumating yung resulta ng test ay namamatay na. Ang itsura nila sa emergency room ay mukhang COVID. Hindi natin nabibilang ‘yon kasi dapat natin malaman (kung) yung mga dinadala sa emergency room ay matitinda na ang case at minsan hind na nadadala sa ICU.”
















