-- Advertisements --

Nanawagan ang isa sa mga alkalde ng Metro Manila sa gobyerno na rebyuhin at ikunsiderang tanggalin ang moratorium sa pagtatag ng economic zones sa Metro Manila ng sa gayon lalo pang lumago ang economic activity ng bansa.

Ayon kay Navotas Mayor John Rey Tiangco kaniyang naiintindihan ang katwiran sa likod ng moratorium, ang mapagkumpitensyang tanawin ng ating bansa, mga priyoridad sa pamumuhunan, at ang buong pandaigdigang sitwasyon sa ekonomiya ay sumailalim sa mga pagbabago.

Magugunita na nuong June 2019, ang Duterte Administration ay naglabas ng Administrative Order 18 (AO18) “Accelerating Rural Progress Through Robust Development Of Special Economic Zones In The Countryside.”

Ang nasabing AO ang nagpapatupad ng ban sa aplikasyon ng Ecozones sa Metro Manila.

Nilinaw naman ni Executive Secretary Lucas Bersamin na epektibo pa rin ang Administrative Order 18, kahit umiiral ang RA 11534.

Nagpahayag naman ng suporta si Tiangco sa panawagan ng PEZA at ng iba pang industry groups na tanggalin na ang moratorium.

Kung maalala hiniling ng pamahalaang lokal ng Navotas sa PEZA nuong July 2019 na isama ang siyudad sa kanilang request na i-exempt ito sa moratorium.

Binigyang-diin ni Tiangco na sakaling matanggal na ang moratorium malaki ang oportunidad na makapag tayo ng IT centers sa kanilang siyudad.

Ibig sabihin maraming trabaho ang magbubukas at tiyak na lalakas ang economic activities sa kanilang siyudad.

Ayon naman sa Department of Trade and Industry’s Export Marketing Bureau, na ang exports nuong 2023 ay umabot sa $100-billion kung saan nanggaling ito sa information technology business process management (IT-BPM) at tourism sectors.