Inamin ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na hindi pa rin sapat ang public transportation sa National Capital Region (NCR), sa kabila ng buhol-buhol na sa dami na ng mga sasakyang lumalabas.
Ayon kay MMDA General Manager Jojo Garcia, mahigpit pa rin ang pagpapairal ng 50% limit sa passenger capacity ngayong nasa general community quarantine ang Kalakhang Maynila.
Kaya naman, may mga inilalabas pa ring government vehicle para sa mga lugar na walang gaanong bumabyahe.
Kamakailan, muling nagbukas ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng mga dagdag na rutang pinapayagan para traditional public utility jeepneys at UV Express vehicle units sa Metro Manila.
Ayon kay LTFRB Chairman Martin Delgra, may kabuuang 12,443 traditional jeepneys na ang pinahintulutang makabyahe sa 126 routes.
Habang sa UV Express, umaabot sa 1,621 units ang authorized para sa 51 routes.
Bukod dito, 3,662 public utility buses naman ang inilaan para sa 31 routes; 364 point-to-point buses para sa 33 routes; 20,493 taxis; 23,776 transport network vehicle service units at 716 modern PUJs sa 45 routes sa NCR.