Tiniyak ng Metro Manila Council ang kanilang kahandaan sa pagsisimula na ng General Community Quarantine ngayong Hunyo 1.
Sinabi ni Parañaque Mayor Edwin Olivarez, na may mga inilatag na ang kaniyang mga kapwa alkalde ng mga plano sa nasabing pagpapaluwag na ng ipinapatupad na lockdown.
Kailangan lamang aniya ng mahigpit na monitoring sa tamang implementasyon ng ibinigay nila sa 17 Local Government Units sa Metro Manila.
Ilan sa mga dito ay ang pagpayag ng ilang LGU sa mga tricycle drivers na pumasada basta magpatupad ng tamang distansya at sundin ang mga panuntunan na kanilang ipapatupad.
Hindi rin dapat magsabay-sabay ang mga empleyado na kumain sa labas ganun din ang pagdala ng mga baunan ng pagkain para doon na sila kumain.
Kasabay din nito, inanusiyo ni Mayor Olivarez ang pagtanggal na ng liquor ban simula ngayong Hunyo 1.
Nilalaman ito ng kaniyang Executive Order 2020-041 na papayagang magbenta ng mga nakakalasing na inumin ang mga establishimento sa kanilang operating hours habang bawal naman magbenta ng mga nakakalasing na inumin ang mga restaurant at bars.
Maari lamang uminom aniya sa loob ng bahay subalit bawal pa rin uminom sa labas ng bahay.
Tulad din ng Paranque City ay tinanggal na rin sa Antipolo City, Rizal ang liquor ban ngayong araw.
Sinabi ni Mayor Andrea Ynares, na ang tanging mayroong quarantine passes lamang ang papayagang bumili ng mga nakakalasing na inumin.
Pinagbabawal din ang pag-inom sa pampublikong lugar at mahigpit na pinagbabawal ang mga pagtitipon ng mahigit na 10 katao.