-- Advertisements --

Naglabas ang Meta ng bagong safety features para sa mga kabataang edad 13 hanggang 17 na gumagamit ng Facebook, Instagram, at Messenger.

Sa ilalim ng pinalakas na Teen Accounts, awtomatikong naka-private ang mga account ng kabataan. Ibig sabihin, kailangan muna ng approval bago sila makita ng ibang users, gayundin ang kanilang posts kapag hindi naka-follow sa kanila.

Lalawig pa ang proteksyon dahil tanging mga follower lang nila ang puwedeng magpadala ng message, mag-tag, o mag-mention sa kanila. Mayroon ding Hidden Words feature na awtomatikong nagfi-filter ng mga bastos o hindi angkop na salita, kabilang na ang ilang Filipino words.

May mga limitasyon din sa paggamit ng apps. Makakatanggap ang mga menorde-edad ng paalala kapag umabot na sila ng 60 minuto sa paggamit ng app. Sa pagitan naman ng alas-10 ng gabi hanggang alas-7 ng umaga, naka-mute ang notifications at may auto-reply sa messages upang hikayatin silang magpahinga.

Ayon sa Meta, layunin ng mga pagbabagong ito na mas maging ligtas ang online experience ng kabataan, at inspirasyon din umano nito ang mga movie rating system para sa edad 13 pataas.

Para sa mga edad 13 hanggang 15, hindi basta mababago ang settings ng account nang walang pahintulot ng magulang. Samantala, ang edad 16 hanggang 17 ay may kalayaan na baguhin ang ilang settings, ngunit may abiso pa rin dapat ng kanilang magulang.

Sa pamamagitan ng Family Center, maaaring makita ng mga magulang ang mga account na kinakausap ng kanilang mga anak, screen time, at iba pang online activity.

Nagbabala rin ang Meta na maaaring ma-suspend o ma-disable ang account ng sinumang magpapanggap na ibang edad.

Samantala, sinabi ng Council for the Welfare of Children na mahalaga ang ligtas na paggamit ng social media para sa kabataan, at hindi umano dapat tuluyang ipagbawal ang kanilang access sa digital platforms.

Ayon naman sa Meta, mas mainam na palakasin ang mga safety tools kaysa pagbawalan sila habambuhay, dahil maaari raw mapunta ang kabataan sa mas delikadong online spaces kung walang gabay.