Nasungkit ng Pinoy bowling athlete na si Merwin Tan ang champion title matapos mauwi ang gintong medalya sa singles event ng Asian Youth Tenpin Bowling Championships sa Malaysia.

Kinumpirma ng Philippine Bowling Federation Inc. ang ulat kung saan natalo ng 19-anyos na atleta ang kanyang mga katunggali mula sa Australia at South Korea.

Batay sa ulat, nakapagtala ng 1,352 pinfalls si Tan sa loob ng anim na round.

Ito ay halos dikit lamang ng 1,334 pinfalls ni William Clark (Australia) at 1,326 ni Park Sang Hyeok (South Korea).

Taong 2016 umano nang maging bahagi ng national team si Tan na nanguna sa world youth championship noong 2018 kung saan nakamit nito ang bronze medal.

Sa girls single naman, nagtapos sa 18th place ang pambato ng Pilipinas na si Alyssa Ty.