Pinatawan ng P19-milyong multa ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang Manila Electric Company (Meralco) matapos umano nitong labagin ang ilang direktiba ng ahensya sa gitna ng pandemya.
Kabilang dito ang bigong paglilinaw sa mga customer na batay sa estimation ang electric bils, at hindi pagsunod sa mandatong installment payment agreement.
Ayon kay ERC chairperson Agnes Devanadera, nagdulot ng kalituhan sa mga consumer ng Meralco ang hindi nito pagsunod sa mga inilabas nilang advisories.
“This serious neglect by MERALCO resulted to a multitude of complaints filed by its consumers to this Commission,” paliwanag ng opisyal.
Nakasaad sa desisyon ng ERC na may petsang August 20, na bilang Distribution Utility, dapat ikinonsidera ng Meralco ang reaksyon ng publiko sa paglalabas nito ng mga impormasyon ukol sa singil sa kuryente.
Ilan daw sa pinagbasehan ng komisyon sa kanilang naging desisyon ay ang billing statements na inihain ng mga nag-reklamong consumer; mga empleyado ng kompanya at mga ipinadalang billing statement sa opisina ni Senate Committee on Energy chairman Sen. Sherwin Gatchalian.
Dumaan din umano sa evaluation ng ERC ang billing statements mula sa National Association of Electricity Consumers for Reforms, Inc. (NASECORE). Dito natukoy na 190-araw ang katumbas ng paglabag ng Meralco.
Inirekomenda ngayon ng komisyon sa kompanya na i-set sa zero ang Distribution, Supply, at Metering (DSM) charges ng lifeline consumers na hindi lumalampas sa 100-kilowatt hours ang buwanang konsumo sa kuryente.
Pinagsusumite rin ng ERC ang Meralco ng compliance report matapos ang 15-araw nang pagpapatupad nila sa direktiba ng ahensya.
“We urge the Distribution Utilities to take our Advisories very seriously. Our Advisories were issued to aid the electricity consumers in light of the on-going pandemic. It was supposed to provide a respite from the various financial woes of the consumers.”
Kung maaala, maraming nagulat na Meralco consumer noong Abril at Mayo matapos makatanggap ng mataas na electricity bill. Ito’y kahit nasa ilalim ng enhanced community quarantine ang National Capital Region at ilang kalapit na lalawigan.
Agad namang nagpaliwanag ang kompanya at naglatag ng installment payment scheme sa mga customer nito.
Sa ngayon wala pang reaksyon ang Meralco sa desisyong multa ng ERC.