-- Advertisements --

Pag-aaralan ng Manila Electric Co. (Meralco) ang suhestiyon na palawigin ang installment payment scheme para sa kanilang mga consumers ngayong patuloy na nararanasan ang epekto ng COVID-19 pandemic.

Sa pagdinig sa Senado, tinanong ni Senator Risa Hontiveros kung bukas ba ang kompanya na ipatupad ang sistemang ito para maiwasan ang disconnection nang mga consumers na hindi pa kayang bayaran ang kanilang bills sa ngayon.

Ayon kay Meralco Vice President for Utility Economics Lawrence Fernandez, sinusunod nila hanggang sa ngayon ang October 2020 advisory ng Energy Regulatory Commission (ERC), pero bukod dito ay pinalawig na aniya nila ang disconnection moratorium sa kanilang mga consumers na kumokunsumo ng 200 kilowatt per hour lamang.


Magugunita aniya na sa nakalipas na 10 buwan, ang Meralco ang siyang nagbabayad sa generation, transmission, at iba pang bayarin kahit pa hindi sila nakakakolekta mula sa marami nilang mga customers.

Kinumpirma naman ni ERC director Sharon Montañer na hindo sakop ng kanilang advisory na inilabas noong Oktubre 29, 2020 ang anumang disconnection policy.

Nauna nang pinalawig ng Meralco hanggang Enero 31, 20221 ang kanilang disconnection policy para sa mga customers nila na kumokunsumo ng hindi lalagpas sa 200 kwh.