Nakahanda ang Manila Electric Company o Meralco na tugunan ang mga posibleng power outages na maaaring dulot ng Super Typhoon Mawar sa bansa.
Ayon kay Meralco vice president Joe Zaldarriaga, bilang ang kanilang kompaniya ay nakaantabay para magbigay ng 24 oras na serbisyo, nakahanda silang tumugon sa anumang emergencies.
Naka-stand by na aniya ang kanilang mga personnel para tumugon sa anumang maaring maging pinsala sa pasilidad sa mga lugar na tatamaan ng bagyo.
Ayon pa kay Zaldarriaga, mayroon ng nakalatag na measures ang Meralco para matugunan ang posibleng epekto ng Mawar gaya ng pag-isyu ng advisories para sa precautionary measures.
Inabisuhan din ng kompaniya ang mga may-ari ng billboards at operators habang papalapit ang bagyo sa PAR dahil isa aniya ito sa pangunahing dahilan ng pagkawala ng suplay ng kuryente.
Pinaalalahanan din ang publiko na panatilihing bukas ang lahat ng linya ng komunikasyon upang malaman ang mga advisories mula sa Meralco.
Nagbigay din ng payo ang Meralco sa tamang paggamit sa mga electronics sa panahon ng baha. Isa dito ay dapat tiyakin na ang main power switch o circuit breaker ay naka-turn-off.