Opisyal nang nasungkit ng Meralco Bolts ang twice-to-beat advantage sa quarterfinals ng Season 50 PBA Commissioner’s Cup matapos gibain ang Terrafirma Dyip, 113-69, kahapon sa Ninoy Aquino Stadium sa Malate.
Umangat ang Bolts sa 8-3 kartada para makuha ang huling bonus sa eight-team quarterfinals, kasabay ng NLEX Road Warriors (10-2), Barangay Ginebra Gin Kings (8-3) at Rain or Shine Elasto Painters (8-3).
Ayon kay Meralco head coach Luigi Trillo, malaking hakbang ang kanilang maagang panalo sa eliminations.
Dominado ng Bolts ang laban mula umpisa hanggang dulo, kung saan agad nilang nilamangan ang Dyip, 26-8 sa first quarter, at lumayo pa sa 51-20 sa gitna ng second period.
Bitbit ang 61-42 na kalamangan sa halftime, hindi na binitawan ng Meralco ang kontrol sa second half at tuluyang dinomina ang laro.
Nanguna para sa Bolts sina import Marvin Jones at Chris Newsome na may tig-14 puntos, habang tumulong din sina CJ Cancino, Bong Quinto, Javee Mocon at Brandon Bates na may double-digit outputs.
Sa kabilang banda, nagtiis ang Terrafirma sa 4-8 rekord at hindi na pinalaro ang kanilang seven-foot import na si Mubashar Ali dahil sa food poisoning.
Pinangunahan nina Paolo Hernandez (15 puntos) at Jerrick Ahanmisi (12 puntos) ang Dyip, ngunit hindi sapat upang makasabay sa mainit na opensa ng Meralco.
















