-- Advertisements --
image 394

Hinimok ng pamunuan ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang mga mental health facilities sa buong bansa na magpa-accredit na upang matulungan sila sa pagbibigay ng sapat na mental health services sa mga Pilipino.

Ito ay kasunod na rin ng pagbuo ng PhilHealth ng benefits package para sa mga Pilipinong dumadanas ng matinding mental health problems.

Maalalang unang pumirma ng kasunduan ang Philhealth at ang National Center for Mental Health para sa pagbibigay ng sapat na package para sa mga outpatient mental health patients sa buong bansa.

Ayon kay PhilHealth President Emmanuel R. Ledesma, Jr., ang ibibigay na benepisyo para sa mga pasyente ay sa ilalim ng progressive package na magbibigay suporta sa mga miyembro, kasama na ang kanilang mga dependents, habang nasa proseso sila ng gamutan mula sa pagkabalisa(anxiety) at depresyon.

Sa ilalim ng bagong programa ng Philhealth, may dalawang mental health category na sasaklawin nito:

Una ay ang general mental health services packages na magbibigay P9,000.

Ikalawa ang specialty mental health services packages na nagbibigay ng P16,000 kada pasyente.

Ang mga pasyente ay dapat higit na sampung taong gulang, para kwalipikadong makakuha ng naturang benepisyo.