-- Advertisements --

NAGA CITY- Patay ang isang menor de edad matapos malunod sa Banasi Falls, isa sa mga tourist destinations sa bayan ng Goa, Camarines Sur.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Glen Remedio, pinuno ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO)-Goa, sinabi nito na dakong alas-kwatro kahapon ng mangyari ang insidente ngunit alas-otso na ng gabi ng i-report ito sa mga otoridad.

Agad namang nagsagawa ng search and retrieval operation ang mga otoridad ngunit alas-tres ng madaling araw kanina ng pansamantala itong itigil dahil sa lakas ng agos ng tubig.

Ayon kay Remedio, napag-alaman na naliligo ang biktima kasama ang ilang grupo ng kabataan sa nasabing lugar nang mag-dive umano ang biktima sa isa sa mga diving spots.

Ngunit ilang minuto na raw ang nakalipas ay hindi pa rin ito umaahon.

-- Advertisement --

Samantala, alas-nuebe naman kanina lamang ng matagpuan ang katawan ng biktima na wala ng buhay.

Sa ngayon nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad hinggil sa nasabing insidente.