-- Advertisements --

Pinaalalahanan ng Bureau of Immigration ang mga menor de edad na solo traveler na patungo sa Eras Tour concert ng American singer na si Taylor Swift sa Singapore na kailangan nilang makakuha ng clearance mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Sa isang pahayag, binigyang diin ng Bureau of Immigration na kailangan ng travel clearance at parental consent para sa mga biyaherong wala pang 18 taong gulang na lilipad nang mag-isa o kasama ang isang taong hindi nila magulang.

Halos 150,000 Filipino departures ang inaasahan sa unang linggo ng Marso, ang bilang ay hindi pa kasama ang mga dadalo sa Eras Tour mula Marso 2 hanggang 9.

Ayon kay BI Commissioner Norman Tansingco, inaasahan nila ang pagdami ng travelers sa unang linggo ng Marso sa panahon ng concert ni Taylor Swift, at sa pagpasok ng summer season.

Pinaalalahanan din ang mga biyahero na punan ang kanilang mga e-travel form 72 oras bago umalis at mag-check in tatlong oras bago ang kanilang paglipad.

Ang Marso 2 hanggang 9 Singapore concerts ang tanging Asian stop para sa Eras Tour.