Desedido na si Miss International 1979, at aktres Melanie Marquez na mag-file ng divorce mula sa kanyang American husband na si Adam “Randy” Lawyer, matapos umano nitong gawin sa kanya ang sunud-sunod na pisikal, emosyonal, at pinansiyal na pang-aabuso sa loob ng mahigit dalawang dekada.
Sa kanyang panayam kay Boy Abunda, ibinahagi ni Melanie ang ilang insidente ng umano’y karahasan na ginagawa ng kanyang asawa sa kanya, kabilang ang pagsuntok sa kanya at pagtutok ng baril sa kanyang mukha. Dagdag niya pa na siya rin ay pinagsalitaan at pinahirapan sa mental at financial na aspeto.
Sinabi rin ng beauty queen na nagsumite na siya ng liham sa Bureau of Immigration para ikansela ang visa ng asawa at i-blacklist ito sa bansa.
Sa kanyang kwento, naalala niya raw na sa unang taon ng kanilang kasal, pinilit siya ng kanyang mister na magtrabaho sa isang farm sa Utah, na naging sanhi ng pagkamatay ng kanyang dinadala na sanggol.
Kabilang sa mga insidenteng inilahad niya noong 2022 na umanoy tinutukan siya ng baril at sinuntok sa tenga habang natutulog, na nagdulot ng epekto sa kanyang pandinig.
Habang noong 2025 naman ay umanoy naulit ang pananakit nang suntukin siya sa dibdib habang nasa sasakyan, na nagresulta ng bali sa kanyang tadyang.
Kalaunan ay nag-file siya ng protection order matapos umalis sa kanilang tahanan.
Natanong naman si Melanie kung bakit matagal siyang hindi nagsalita, sinabi nito: “I really want a family. But I cannot take this—the abuse that [he’s] doing to me. It’s physical. He’s simply a manipulative person.”
Kinumpirma rin niya na tuloy na ang divorce, at sinabi: “Yes, because ang dami na niyang ginawa sa akin. All I wanted is to have peace of mind. I deserve that. I want to be happy. I want to grow, to rise again because he pinned me down.”











