Posibleng hindi umano masunod ang ninanais ni Pangulong Rodrigo Duterte sa eleksyon sa speakership race sa Kamara.
Ayon kay Albay Rep. Joey Salceda, maari raw kasing maapektuhan ang tsansa ni Taguig City Rep. Alan Peter Cayetano na maging susunod na Speaker dahil sa ipapatawag na breakfast meeting ni Davao City Rep. at presidential spon Paolo Duterte ilang oras bago ang opening ng First Regular Session ng 18th Congress bukas.
Sa isang panayam, nagpahayag ng kanyang pagkabahala si Salceda sa posibleng resulta ng planong pagpupulong na ito, lalo na at nasa 180 kongresista ang nagsabing dadalo sila rito.
Magugunita na si Cayetano ang napiling manok ni Pangulong Duterte para sa speakership race, pero ang anak nito na bumuo ng Duterte Coalition ay napili naman si Davao City Rep. Isidro Ungab.
Nauna nang nagpahayag si Paolo ng posibleng pagkakaroon ng “coup d’etat” sa mismong araw ng eleksyon sa Speaker, na posibleng mangahulugan na hindi masusungkit ni Cayetano ang naturang puwesto.
Pero kamakailan lang ay sinabi naman ni Cayetano na tinanggap na raw ni Paolo ang kanyang alok na maging deputy speaker ito for political affairs sa kanilang naging pagpupulong.
Gayunman, sinabi ni Salceda na sinuman ang uupong Speaker, kailangan na may direktang kaugnayan ito kay Pangulong Duterte.
“Kung gusto mong madala ang concern ng distrito mo to the attention of the national government especially to the President, given that may over-concentration of powers and resources sa ating Pangulo, definitely no congressman can afford to disregard that direct line to the President,” ani Salceda.
Nabatid na ang breakfast meeting na inihanda ni Paolo ay nakatakda alas-8:00 ng umaga bukas sa South Lound ng Kamara, na ayon kay Salceda ay 10 hakbang lamang sa plenary hall.
Aniya, dadalo rin daw si Cayetano sa breakfast meeting na ito.
Para kay Salceda, hindi naman daw siguro basta magpapatawag ng meeting ang sinuman para lamang makilala ang mga dadalo rito.
“Hindi na siguro kailangan pang pagdebatihan, may impluwensya siya [Paolo]. So kung may impluwensya siya, may responsibilidad siya. So I think he is accepting that he has a responsibility in the years of his influence as a member of the House and as a son of the President,” dagdag pa nito.
Pagkatapos ng breakfast meeting, sinabi ni Salceda na posibleng may lumutang na “dark horse” sa speakership race at mabago ang laro sa naturang posisyon.