Mas lalo pang umigting ang nararamdamang galit ng mamamayan ng Myanmar dahil sa kasalukuyang coup d’etat na nararanasan ng bansa sa pangunguna ng mga militar.
Ilan sa mga residente sa syudad ng Yangon ang nag-ingay sa pamamagitan ng kanilang mga kaldero at bumusina ng kanilang mga kotse.
Naghahanda naman ng rally ang mga medical staff mula sa ilang malalaking syudad sa Myanmar upang ipakita ang kanilang suporta na palayain si Myanmar State Counsellor Aung San Suu Kyi at ilan pang matataas na lider ng National League for Democracy (NLD) party.
Habang ang mga aktibista naman ay nananawagan ng kampanya para sa civil disobedience na ipinamalas umano ng mga militar.
Dumadami rin ang nananawagan sa agarang paglaya ni Suu Kyi upang ituloy nito ang pamumuno sa Myanmar.
Pinalaya naman kaagad ang nasa 100 mambabatas na ikinulong din ng mga militar sa Nay Pyi Taw (Naypitu).
Noong Lunes nang tuluyang angkinin ng mga militar ang pamumuno sa Myanmar at nagdeklara ng isang taong state of emergency sa paniniwalang nandaya ang partido ni Suu Kyi noong November election dahil sa landslide win na nakuha ng NLD.
Inutusan naman ng NLD ang mga militar na palayain si Suu Kyi at tanggapin na lamang ang resulta ng halalan, subalit may itinalagang bagong election commission at chief of police ang militar dahil dismayado raw ang mga ito na walang nakitang election fraud ang dating komisyon.