Tumaas ng 280 tonelada kada araw ang medical waste sa Metro Manila dahil sa COVID-19 pandemic.
Base sa report ng Asian Development Bank at ng United Nations, umaabot sa 3.5 kilo ang health care waste ng bawat tao sa isang health care facility kada araw dahil sa pandemya.
Ayon kay Environment Undersecretary Benny Antiporda, face masks ang madalas nilang nakikita dahil walang malinaw na tapunan ang publiko.
Kaya naman ipinag-utos na ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang paglalagay ng yellow trash bins para sa household healthcare waste.
Aabot na sa 100 na yellow trash bins ang naipamahagi sa Manila habang ilang libo pa ang nakatakdang ipamigay naman sa iba pang local government units sa mga susunod na buwan.
Mahalagang maayos aniya ang pagkakalabel sa mga basurahan na ito at dapat na ihiwalay sa ibang normal na trash bins.
Ang infectious waste na makokolekta mula sa mga ito ay dapat na dalhin din aniya sa lugar na malayo sa mga pasyente at pampublikong lugar.










