Inirekomenda ng House committee on health ang pagbuo ng isang medical reserve corp na magsisilbing augmentation sa health personnel ng bansa sa oras ng pandemics at health emergencies.
Walong nakabinbin na panukalang batas patungkol sa formation ng isang reserve national medical network ang pag-iisahin ng binuong technical working group ng komite.
Ayon kay Quezon Rep. Angelina Helen Tan, chairman ng komite, kailangan ang mga medical reservists sa panahon ngayong nahaharap ang bansa sa COVID-19 pandemic at kapag mayroong kalamidad.
Naniniwala ang kongresista na mapapalakas ang national preparedness at response ng pamahalaan sa mga public health emergencies at mabawasan ang health, economic at social impact ng mga pandemics.
Sa ngayon pa lamang ay maraming mga ospital sa Metro Manila at ibang panig ng bansa ang nagkukulang na sa medical staff bunsod ng COVID-19 pandemic.
“Many of our healthcare workers are exhausted physically, mentally and emotionally. They have to take a rest. This is one of the reasons why they called for a timeout three weeks ago. If we have a reserve force, they could temporarily take the place of tired health workers who have to take a break from toxic and risky work,” ani Tan.
Sa ilalim ng kanyang inihaing House Bill No. 7331, sinabi ni Tan na obligado ang Department of Health na bumuo ng isang reserve medical network.
Bubuuin ito ng mga lisensyadong doktor, kabilang na ang mga retired, graduates ng medisina, medical students na nakatapos ng apat na taong medical course, registered nurse, at lisensyadong allied health professionals.