Kinondena ng Philippine Medical Association (PMA) ang pahayag ni Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion laban sa mga doktor na tutol sa paggamit ng rapid test kits.
Sa isang statement sinabi ni PMA president Dr. Jose Santiago Jr. nakakawalang dignidad ang komento ni Concepcion na nagsabing walang ginagawa at puro salita lang ang mga doktor.
“It is totally uncalled for and outrightly demeaning to the very people who have labored to address this unseen enemy, Sars-Cov2 or the CoViD-19.”
Binigyang diin ng grupo na suportado ng mga pag-aaral at siyensya ang mga materyales na inilalabas ng mga doktor.
Masusi rin umanong pinag-uusapan ng mga batikang specialists ang mga bawat anunsyo na kanilang inilalabas.
“The medical societies race against time to find the management protocols to the uncertainties of this disease so as to save the most number of patients, especially our very own members;”
“These are unchartered waters; yet source material for study has been rich because most of the globally prominent data banks have opened themselves up, all to assist in this war.”
Malinaw din daw na hindi suportado ng kanilang sektor ang pagpapakalat ng fake news.
Ayon sa PMA, hindi naman kailangang maliitin ni Concepcion ang mga doktor kung hindi ito pabor sa kanilang posisyon na walang katiyakan ang resulta ng rapid antibody tests.
“We invite the good gentleman to a guided tour of the medical facilities, especially CoViD-19 referral hospitals, para makita niya ang ginagawa ng mga doctors at frontliners.”
Sa isang video conference nitong Miyerkules, kinontra ni Concepcion ang statement ng medical groups na malaking sayang ang paggamit ng rapid test kits sa mga balik-trabahong empleyado.
“Ang problema nitong mga doctor, salita nang salita, wala namang ginagawa; complain nang complain. Ang mangyayari dito, magsasarado ulit ekonomiya ng Pilipinas, maraming mawawalan ng trabaho.”
Humingi na ng paumanhin si Concepcion tungkol sa naturang pahayag.