-- Advertisements --

Naniniwala ang medical experts na miyembro ng Philippine College of Physicians (PCP) na bumababa na ang mga kaso ng COVID-19 sa Pilipinas.

Pero mariin nilang paalala, hindi pa tuluyang humihinto ang pagkalat ng sakit sa bansa, kaya wala pang rason para makampante ang publiko at hindi na sundin ang minimum health standards.

Ayon kay PCP vice president Dr. Maricar Limpin, hindi pa rin pwedeng luwagan ng tuluyan ng pamahalaan ang quarantine restrictions.

Malinaw daw kasi na ngayon pa lang ay marami nang tila nakalimot sa physical distancing at tamang pagsusuot ng face mask, kahit naka-general community quarantine pa ang ilang lugar sa bansa.

“Tandaan natin wala pa tayo sa baba ng wave para sabihin na talagang nag-flat na yung wave. Nandoon tayo sa papunta sa flattening. Ibig sabihin lang nito hindi pa tayo pwedeng mag-relax.”

Para sa eksperto, epektibong mako-kontrol ang sitwasyon ng pandemya kung epektibo rin ang pagsunod ng publiko sa minimum health standards tulad ng paghuhugas ng kamay at pagsusuot ng face mask, face shield at physical distancing sa pampublikong lugar.

“Dahil kapag nag-relax tayo ay babalik tayo doon sa pagtaas uli (ng mga kaso ng sakit), at iyan siguro masasabi natin baka pupunta na naman tayo doon sa another peak or surge ng COVID-19.”

Sa isang statement kamakailan, sinabi ng grupong Concerned Doctors and Citizens of the Philippines na dapat nang alisin ng gobyerno ang mga lockdown.

Pero ayon sa PCP, kahit bumababa na ang bilang ng mga kaso ng COVID-19, nakakabahala naman ang tumataas na numero ng mga nasa critical ang sitwasyon.

Batay sa huling datos ng Department of Health, nasa 3.1% o higit 100,000 ang critical cases ng COVID-19.

Ayon kay Dr. Limpin, posibleng marami sa mga pasyente ang dumiretso agad sa ospital nang hindi nagpapasaklolo sa primary healthcare facilities tulad ng barangay health units, o hindi kaya’y hindi agad kumonsulta muna sa mga doktor.

Sinabi naman ni Dr. Marissa Alejandria, presidente ng Philippine Society for Micribiology and Infectious Diseases, dapat pang paigtingin ang referral system ng mga ospital.

“Kaya siguro mas marami tayong severe and critical din, bago sila makarating sa ospital marami muna silang dinaanan, so yung referral network natin hindi pa ganoon kaayos. Lalo na yung mga taga-probinsya, ayaw silang tanggapin sa kanilang mga ospital, so ilang ospital muna bago makarating, so pagdating dito sa Manila hirap na hirap na silang huminga.”

“Yung mga may (other) commorbidities naman, dahil nga nagsara ang mga clinic so hindi sila nakakapag-konsulta, pwedeng lumala yung kanilang diabetes, kidney disease, so pag lumala yon mas madali din sila kapitan ng impeksyon, mas malala yung kanilang nagiging sakit.”