-- Advertisements --

Nakatakdang magsampa ng ikalawang kaso ng libelo si Executive Secretary Salvador Medialdea laban sa kolumnistang si Ramon Tulfo.

Ang kaso ay bunsod ng column ni Tulfo noong July 25, kung saan inakusahan ni Tulfo si Medialdea ng walang ginagawa sa apela ni Felicito Mejorado na makuha sana ang kanyang reward money mula sa gobyerno.

Si Mejorado umano ang nagbigay ng tip sa pamahalaan ukol sa sinasabing smuggling operation sa Mariveles, Bataan noong 1997.

Inakusahan ni Tulfo si Medialdea na humihingi ng pera para mailabas ang tip mula sa nagngangalang Vianney D. Garol.

Tahasang itinanggi ni Medialdea ang akusasyon at sinabing ang apela ni Mejorado ay hindi naipit sa Office of the President (OP) ng isang taon, bagkus tatlong buwan lamang.

Sinabi pa ni Medialdea, nakuha ng OP ang notice of appeal ni Mejorada noon lamang April 5, 2019.

Giit pa ni Medialdea na ang OP ay kumilos na upang mapabilis ang aksyon sa hinaing ni Mejorado. Inabisuhan na rin ng OP ang Department of Finance, na nauna nang nag-deny ng request ni Mejorado, upang makuha ang record ng kaso.

Sinabihan na rin ang National Bureau of Investigation upang i-verify ang pagkakadawit ni Garol at iba pang personalidad, maging ang Department of Justice, upang isampa ang kaukulang kaso.

Sinabi ni Medialdea na hindi niya kakilala si Garol. Anya base sa talaan ng MalacaƱang Records Office, si Garol ay na-appoint bilang project development officer II sa ilalim ng Office of External Affairs-Davao noong August 1, 2005 subalit tumigil ang operasyon nito noong December 31, 2005.

“I will file the complaint next week,” saad pa ni Medialdea.

Nabatid na ito na ang pangalawang kasong libel na isasampa ni Medialdea laban kay Tulfo.

Ang nauna nang kaso ay bunsod din sa column ni Tulfo noong buwan ng Mayo kung saan inakusahan din ng peryodista si Medialdea na “benefector” umano ni Sandra Cam.

Dagdag pa ni Medialdea na isinampa niya ang kaso dahil sa malisyosong sinulat ni Tulfo (malicious imputations of crimes and dishonorable acts) ukol sa mga sinulat nito sa artikulo na sumisira umano sa maayos at malinis niyang pangalan at reputasyon.