-- Advertisements --

Dapat i-extend pa ng pamahalaan sa panibagong 15-araw ang modified enhanced community quarantine (MECQ) dito sa Metro Manila at ilang kalapit na lalawigan, ayon sa isang public health expert.

Sa panayam ng Bombo Radyo sinabi ni dating National Task Force special adviser Dr. Tony Leachon, na marami pang kailangan plantsahin ang gobyerno para mapabagal ang bumilis muling transmission ng sakit.

Kahit patuloy umano ang pag-uulat ng Department of Health (DOH) sa maraming recoveries, ay hindi nito maikakaila ang patuloy na pagtaas ng COVID-19 cases. Pati na ang nadadagdagan pang bilang ng mga namamatay dahil sa pandemic na sakit.

“Yun ang problema din. Ang total death natin 2,600 pero ang tingin ko underreported yon. May mga kababayan tayo bago pa dumating yung resulta ng test ay namamatay na. Ang itsura nila sa emergency room ay mukhang COVID. Hindi natin nabibilang ‘yon kasi dapat natin malaman (kung) yung mga dinadala sa emergency room ay matitinda na ang case at minsan hind na nadadala sa ICU.”

“Kung wala kang resulta noon, hindi mo mababansagan na COVID-19 ‘yon. Ang tingin ko, sa taas ng cases natin ngayon, at number one na sa (Southeast) Asia, the 2,600 (deaths) ay hind natin masasabi na kakaunti.”

Ayon sa eksperto, kung talagang seryoso ang gobyerno sa laban sa pandemya ay gagawa ito ng paraan para hindi magdusa ang ekonomiya sa maikling panahon ng lockdown.

“Kung nakikita natin na hindi pa natin kaya ibaba (ang community quarantine status) at tayo ay nagde-desisyon dahil wala tayong pera, hindi tama ‘yun eh. Dapat they will fund the way to cure… dahil ikaw ay naninimbang between the economy and health, sooner or later yung economy mo hindi magre-recover kasi mabibinat uli ang pasyente at lalala.”

“So do not lose the momentum of MECQ. Ibig sabihin, dalawang linggo pa at higpitan natin yung ating pagbabantay.”

Inihalimbawa ni Dr. Leachon ang naging sitwasyon ng Cebu province noong Hunyo, kung saan naging epektibo ang halos isang buwang pagpapatupad ng mahigpit na lockdown para bumaba ang kanilang mga kaso ng COVID-19.

“Ito kasing virus na ‘to, kumpara sa SARS, more virulent ang SARS pero less transmissible. Itong virus natin na ito less virulent pero more transmissible.”

Paliwanag ng opisyal, hindi lang mga opisyal ang dapat na kumilos sa sakit, dahil responsable rin ang publiko sa mataas pa ring kaso ng sakit sa bansa. Kaakibat ng mobility o mas maluwag na access ng mga tao sa labas at iba’t-ibang serbisyo ang pagsunod sa public health standards tulad ng pagsusuot ng face mask at social distancing.