Pinag-iisipan na kaagad ng kampo ni MMA star Conor McGregor ang kanyang susunod na hakbang matapos ang kanyang matagumpay na comeback sa UFC.

Ayon kay UFC president Dana White, mas mainam daw na magkaroon ng rematch sa pagitan nina McGregor at undefeated lightweight champion Khabib Nurmagomedov.

Kung mismong ang “The Notorious” naman ang tatanungin, interesado rin ito sa posibilidad na harapan nila ni Tony Ferguson, welterweight Jorge Masvidal at Nate Diaz.

Hindi rin isinasantabi ni McGregor ang muli nilang pagtutuos ni Floyd Mayweather Jr., maging ang kursonada nitong laban kontra kay Pinoy ring icon Sen. Manny Pacquiao.

“I don’t think the ‘who’ matters,” wika ni McGregor. “The who doesn’t matter for me now. I’m looking at dates now. I know March was there. I’m going to have a look at a calendar and see where we’re at … I’ll be ready.”

Una nang nagpahiwatig si Mayweather ng kanyang interes na rematch kay McGregor kung saan sa kanyang social media ay nag-post ito ng larawan kasama ang Irish fighter.

Maging si Pacquiao ay nagpahaging na bukas itong tanggapin ang hamon sa kanya ni McGregor.