-- Advertisements --

Naniniwala ang isang boxing analyst na dapat nang gawing prayoridad ni Sen. Manny Pacquiao ang inaasam-asam na rematch kay Floyd Mayweather Jr., bago nito isabit nang tuluyan ang kanyang boxing gloves.

Kasunod pa rin ito ng palitan ng patutsada ng dalawang boksingero sa social media kamakailan kung saan naghamon ang fighting senator ng rematch sa retired Americam champion.

Ayon kay Atty. Ed Tolentino sa panayam ng Bombo Radyo, kahit na “contractually obligated” pa si Pacquiao na sumabak sa dalawa pang laban, unahin na raw dapat nito si Mayweather at magretiro na pagkatapos.

Paliwanag ni Tolentino, ito naman talaga ang rason kung bakit pumirma ang Pinoy ring icon ng kontrata sa Premier Boxing Champions (PBC) ni Al Haymon, na kilalang kinatawan ni Mayweather.

Sinabi pa ng eksperto, wala nang dapat pang patunayan si Pacman na kakaagaw lang ng WBA “super” welterweight title kay Keith Thurman nitong Linggo.

Ani Tolentino, nasa panig na ni Mayweather ang pressure para maisakatuparan ang muli nilang pagtutuos ng 8-division world champion.

Kung ihahambing din aniya kay Pacquiao na puro dekalibre ang hinarap na mga boksingero sa huli nitong mga laban, lugi raw si Mayweather dahil hindi naman totoong mga slugger ang binangga ni “The Money” lalo pa’t hindi totoong mga boksingero ang kanyang hinarap nitong nakalipas na mga taon.

Kung maaalala, pinataob ni Mayweather si UFC superstar Conor McGregor sa kanilang blockbuster fight noong 2017 sa pamamagitan ng unanimous decision.

Nito namang New Year’s Eve ay sumalang si Mayweather sa isang exhibition match sa Japan kung saan dinispatsa nito ang kickboxer na si Tenshin Nasukawa.