-- Advertisements --

Nagpahayag ng kahandaang lumaban ang mayorya ng mga Pilipino sakaling sumiklab ang sigalot sa dayuhang kalaban base sa isinagawang survey ng OCTA Research.

Base sa Tugon ng Masa (TNM) Survey na kinomisyon ng Armed Forces of the Philippines noong Disyembre 2023 sa 1,200 respondents, lumalabas na 77% o 3 mula sa 4 na Pilipino ang handang lumaban para sa bansa.

Sa Mindanao ang may pinakamataas na bilang na nasa 84% habang pinakamababa naman sa Visayas na nasa 62%.

Pagdating sa rehiyon, ang mga respondents sa Davao Region at Caraga ang nangunguna na nasa 96% at sinundan ng SOCCSKSARGEN na nasa 95%.

Mas maraming nasa hustong gulang na Pilipino sa urban areas (80%) ang handang lumaban kumpara sa mga nasa kanayunan (73%).

Bagama’t mayorya ng parehong lalaki at babaeng Pilipinong respondent ay positibong tumugon, mas madami sa mga lalaki (82%) ang handang ipaglaban ang bansa kaysa sa mga babae (72%).

Isinagawa ang survey noong Disyembre 10-14, 2023 matapos ang pambobomba ng tubig ng barko ng China Coast Guard sa mga barko ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources na patungo noon ng Scarborough Shoal.

Sa sumunod na araw Disyembre 10, binombahan ng ccg ang barko ng PH habang nagsasagawa ng regular rotation at resupply mission sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.

Lulan noon si AFP chief General Romeo Brawner Jr. sa isa sa resupply boat na Unaizah Mae (UM) 1 na binangga ng barko ng CCG.