-- Advertisements --

Pinaghahanap na ng mga otoridad si Batuan, Masbate Mayor Charmax Jan Altajeros Yuson alyas “Mac-mac” at Vice Mayor Charlie Deroma Yuson III alyas “Bodgie/Bigboss,” dahil sa kasong illegal possesion of firearms.

Batay sa report ng PNP-CIDG (Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), ipinatupad ng pinagsanib na puwersa ng CIDG Regional Field Unit 5, Special Action Force, PNP Drug Enforcement Group, 903rd Brigade Philippine Army, Regional Mobile Force Battalion-5, Masbate Police Provincial Office, at Batuan Municipal Police Station ang search warrant laban sa mga suspek kaninang alas-6:30 ng umaga.

Nakuha sa bahay ni Mayor Yuson sa Barangay Canvañez ang bushmaster M16 rifle, fragmentation grenade, at magazine.

Narekober naman sa beachhouse ni Vice Mayor Yuson sa parehong lugar ang isang baby M16 rifle, dalawang 12 gauge shotgun, isang cal .45 Colt pistol, at hand grenade.

Naaresto sa ikinasang operasyon ang isang Jeason Clemente Cabantac.

Ayon kay PNP spokesperson Pol. S/Supt.Bernard Banac, bukod sa alkalde at bise alkalde, tinutugis na rin ang isang barangay kagawad na si Severo Escote Basas alyas “Beroy” kaugnay ng paglabag sa Republic Act 10591.

Sinabi ni Banac, ang matagumpay na operasyon ay resulta ng pinalakas na law enforcement campaign ng PNP sa tulong ng mga residente ng Masbate.