-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Umalma si Mayor Leonard Escobillo ng bayan ng Tampakan, South Cotabato matapos na pinapahinto umano ng Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) Region 12 ang kanilang ipinapatupad na libreng sakay para sa mga pasahero bilang sagot sa serye ng oil price hike.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Mayor Escobillo, sinabi nitong nagulat siya sa ipinaabot sa kanya ng mga operator ng L300 Van na kanilang kinontratra sa pakikipagtulungan ng isang malaking mining company, na tinawagan umano sila ni LTFRB Director Reynato Padua at binalaan na hindi makakapag-renew sakaling ipagpatuloy ang libreng sakay dahil sa mga bayulasyon nito.

Naniniwala si Escobillo na hindi makatarungan ang ginawa ng LTFRB dahil ang layunin ng kanilang libreng sakay ay para sa lahat na apektado ng sobrang taas na presyo ng produktong petrolyo.

Agad naman na itinanggi ni LTFRB Director Padua ang nasabing alegasyon sa panayam ng Bombo Radyo at sinabing nakahanda itong makipagpulong kay Mayor Escobillo.

Napag-alaman na pansamantalang inihinto ngayong araw ang libreng sakay upang bigyang daan ang pagpupulong ng mga opisyal at maresolba ang hindi pagkakaunawaan.