ILOILO CITY – Umalma si Guimbal Iloilo Mayor Oscar Garin sa desisyon ng Department of Health Region 6 na ituring bilang Persons Under Monitoring ang lahat na mamamayan ng nasabing bayan. 

Ito ay kasunod ng paglobo ng bilang ng mga nag postibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Guimbal, Iloilo.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Garin, sinabi nito na hindi pa kakayanin ng bayan na pakainin ang halos 30,000 na mga mamamayan kung isasailalim sila sa lockdown. 

Ayon sa alkalde, posible na mas madami pa ang mamamatay sa gutom kung susundin ng bayan ang payo ng Department of Health. 

Ani Garin, sana’y maging maingat si Department of Health 6 Regional Director Dr. Marlyn Convocar sa kanyang binibitawang salita dahil posibleng magpanic ang mga mamamayan ng Guimbal. 

Sa ngayon, nakapagtala na ng 8 kaso ng Covid-19 sa lalawigan ng Iloilo.