ILOILO CITY – Ila-lockdown simula ngayong araw hanggang Setyembre 25, Biyernes, ang Iloilo City Hall.
Ito ay kasunod ng paglobo ng kaso ng mga nahawaan ng COVID-19 (Coronavirus Disease 2019( sa Iloilo City Treasurer’s Office na pumalo na sa 33.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Mayor Jerry Treñas, sinabi nito na ang nasabing hakbang ay kasunod ng takot ng mga empleyado na assigned sa ibang departamento na mahawaan din sila ng deadly virus.
Ayon kay Treñas, maliban sa disinfection, kukunan din ng swab sample ang libo-libong empleyado ng Iloilo City Hall upang isailalim sa COVID-19 test.
Maging si Treñas ay sasailalim din sa reverse transcription polymerase chain reaction (RT-PCR) test.
Sa ngayon, umabot naman sa 157 ang nagnegatibo sa nagpapatuloy na random COVID-19 test sa buong city hall.
Magpapatupad din ng “no negative result, no entry” sa Iloilo City Hall.
Napag-alaman na ni-lockdown din ang 13 barangay sa Lungsod ng Iloilo dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng coronavirus.
Tatagal hanggang sa Linggo, Setyembre 27, ang lockdown sa mga barangay.
Sa ngayon, pumalo na sa 1,917 ang COVID-19 cases sa Iloilo City.